Ang pangarap ay nagiging bangungot din
Wednesday, May 3rd, 2006This was inspired by the movie, "Scorpio Nights 1", which we watched in our Panitikang Pilipino 19 class. This is a paper i submitted to my prof.
Kalayaan, ang kumilos ng ayon sa iyong kagustuhan ng ‘di naapektuhan ng kahit ano o kahit sino. Ngunit sa ating panahon, sadyang mahirap maging malaya. Nariyan ang mga mapanghusgang mata ng madla. Nariyan ang mga hilig na minamanipula ng komersalisasyon. Nariyan ang mga konserbatibong paniniwalang patuloy na bumubulong sa atin kahit na gaano kaingay ang mundo. Pangarap na lang marahil ang maging malaya.
May mga pangarap rin naman na natutupad at sa aking panonood nakakita ako ng paraan upang makatakas sa mga kadenang pumipigil at kumukulong sa kamalayan. Ang pag-iisa, isang kapangyarihang nakapagpapalaya. Sa pag-iisa ay walang mga matang di pumipikit para maghintay ng iyong pagkakamali. Sa pag-iisa ay mailaladlad mo ang lahat at sa tabing ng kadiliman maitatago mo ang bawat kapintasan. Sa pag-iisa ay maaari mong sabihin ang bawat salitang hindi mo maisigaw sa madla. Walang magsasabi sa iyo kung ano ang salita ang nararapat gamitin. Walang magbabawal sa iyo sa kahit anong paksa. Sabihin mo ang lahat at ayos lang. Sa pag-iisa maaari mong limutin ang konserbatibong lipunan. Maari mong hayaan ang pagnanasang gumapang sa iyong katawan at dumaloy sa iyong dugo. Maaari mong gawin ang lahat ng di mo magawa sa harap ng maraming tao. Walang hiya. Walang pipigil. Ikaw ay malaya.
Ngunit kung iisipin, ang pag-iisa ay may bahid ng pait at kalungkutan sapagkat walang saysay ang ligaya kung walang ibang magpapahalaga nito maliban sa iyo. Oo nga’t maligaya ka sa iyong pag-iisa ngunit ika’y unti-unting nagiging alipin ng sandata na sa iyo’y nagpapalaya. Ika’y malalagay sa isang ginintuang hawla, magara at kaaya-aya ngunit kasangkapan pa rin ng pagkaalipin. Paano na ang pangarap ng kalayaan?
Sa pangungulila, ang tao’y magnanais makawala. Maghahanap ito ng kapwa at ng karamay. Ngunit kung lalabas at makapipiling ang madla, paano ang kalayaang pinaghihirapan? Sakali bang sumugal sa pagkakataon at manalig sa kapwa ay may mahahanap bang maaakit sa ligayang maipagkakaloob? May masisilaw ba sa gintong hawla at may magnanais bang makasama ang isang duwag na malaya lamang kapag nagkukubli sa dilim? Sakaling maging mapait ang mundo at ikaw ay matalo, hindi ka kaya manatiling nag-iisa?
Mali naman marahil na pahirapan ka masyado ng mundo. Malay mo ay manalo ka sa sugal at makahanap ka ng taong sasama sa iyo sa dilim. Isang taong makikinig sa iyo sa iyong pananahimik. Isang taong maligaya sa piling mo kahit hindi ka nakangiti. Isang taong nais ring maging maligaya tulad mo.
Sa iyong pagkakasumpong ng katuwang sa bagong kamalayan, sa iyong pagkakakita ng karamay sa ligaya ng kalayaan, at sa iyong pagkakahanap ng isang taong magbibigay sa iyo ng tapang na lumusong sa mas madilim, tunay ka na bang malaya? Batid mo ba na ang iyong kasama ay hindi ikaw? Batid mo rin ba na iyan ay mayroong sarili at kayo ay iba sa bawat isa? Alam mo ba na ang tao’y nagbabago sa paglipas ng panahon? Alam mo rin ba na sa pagsikat ng araw ang tabing ng kadiliman ay huhubarin ng liwanag?
Marupok ang tao at isang saglit ay maaaring magbago ang isip nito, mag-iba ang pintig ng puso, at mapalitan ang panlasa ng laman. Makakaya mo bang sabayan ang kanyang pagbabago? Sakaling hindi mo magawa ay tiyak na mawawala siya sa iyo. At kung ito’y masundan, hindi ka kaya maging alipin ng taong nagbibigay laya sa iyo?
Pambihirang pangarap ng kalayaan! Ito’y isang bangungot pala.